Isang hindi makitang daan ang aking unang natanaw ng mga sandaling yaon. Nakita ko na lamang ang aking sarili na nakaupo sa isang silya sa palapag ng isang gusali. Maraming bagay ang aking naaalala, katulad ng mga pangyayari na di ko malilimutan. "Damhin mo ang aking pagdaloy sa iyo", tila ba isang boses ang sa akin ay bumubulong. Noong una, kabadong-kabado ako sa gagawin kong hakbang. Natatakot akong mapag-isa. Natatakot akong harapin ang mundo.
"Oy, sasama pa ba ako kuya Jake? Natatakot talaga ako. Ako lang nag-iisang Campus-Based doon.", sambit ko sa kausap ko sa telepono.
"Oo, sumama ka. Nandoon naman ako e. Hindi kita pababayaan. Tsaka, 'wag kang matakot. Mga katulad mo din ang mga makikita mo bukas. ", sagot niya sa akin. Kahit papaano ay lumuwag ang aking pakiramdam, naalis ang takot at umunti ang kaba.
"Sige, sige. Humingi na ako ng signos kay God. Sasama na nga ako. Bahala na bukas kung anong mangyari.", iyan ang mga salitang huling lumabas sa aking bibig. Ibinaba ko na ang telepono, putol na ang tawag. Ano kaya ang dapat kong dalhin? Tuwalya, syampu, sabon, pangsipilyo, 3 pares ng damit, 3 pang-ilalim na garmento, suklay at jaket. Nalilito na ako, unang beses ko yatang sasabak sa ganito. Malayo ang lugar at dalawang araw akong mawawala sa bahay. Kinalaunan, natapos din ang pag-iimpake ko at natulog na ako ng mahimbing.
"Jem, gising na! Gising na! Aalis ka pa 'di ba?" Nagising ako bigla sa tinig na aking narinig. Si ate Melody lang pala, ginigising na ako para makapag-ayos na ako. Alas kwatro na pala. Maaga ba masyado? Mabagal kasi akong kumilos at kukupad-kupad pa kaya maaga lagi akong bumabangon. Ito na ang araw na aking pinakaaabangan. Ika-dalawampu't walo na ng Disyembre, YOUTH CAMP na.
Nakaupo ako sa harap ng hapag-kainan, tulala at tila antok na antok pa. Ilang minuto ko ring tinitigan ang pagkain bago ko napagtantong lumilipas nga pala ang oras at lumilipad ito na 'singbilis ng jet. Subo ng kanin, lagok ng tubig. Tila ba bumabara ang pagkain sa aking lalamunan, ang hirap lumunok. Kaytagal ko ng kumakain ng ganito kaaga ngunit hindi pa rin ako masanay-sanay. Pagkatapos kumain, magsisipilyo naman at maliligo. Isang oras ang nakalagak dito. Ewan ko ba, sabi nila para daw akong nagsasagawa ng ritwal sa loob ng paliguan pero ang totoo, ayaw ko lang talaga lumabas ng pakiramdam ko ay hindi padin ako malinis.
Maalala ko nga pala, hindi pa ako lubusang pinapayagan ng aking butihing ina sa lakad na ito, kaya napag-isip isip kong humagilap ng papel at mag-iwan ng liham. "Punta ako sa youth camp. YFC ito, aattend ako para naman ganap na YFC na ako. Babalik ako sa December 29. Iniwan ko exam permit ko, baka kasi maisipan niyo pong kunin pera sa kapitolyo. Ingat kayo. Labyu. Muah. - jem." Iyan ang laman ng liham ko at gumaor na nga ako patungo sa aking lakad. Tulog pa ang mga tao kaya idinaan ko na lang sa liham.
Ala sais na ako nakapagbyahe papuntang Tanauan. Kaba at may halong pananabik ang aking nadarama. Sa Mcdo sa Tanauan ang aming napag-usapang tagpuan ni kuya Jake. Pagkarating ko doon, wala pa siya. Huli na naman, hindi na nagbago. Mga kalahating oras din akong naghintay. Nakaiinip. Walang magawa. Tanging ang telepono ko lang ang kasama ko at siya lang ang pumapawi ng aking nakukubling kalungkutan. Isa, dalawa, tatlong hanggang sa mahigit tatlumpong minuto na ang lumilipas ay wala pa rin si kuya Jake. Lalo na akong kinabahan. Baka kasi ako lang ang pahulihin doon.
Hay. Sa wakas ay dumating na din ang aking pinakahihintay. "Ang tagal mo kuya! Hindi na nagbago! Dapat ay ginagawa mo yang New Year's resolution e.", pabiro kong sambit sa kanya. "Haha. Baka nga ikaw pa ang kauna-unahan doon e, tara! Papaprint pa ako ng information sheet e."
Hindi pa kami kaagad nagpunta sa lugar na dapat naming pupuntahan sapagkat kinailangan pa naming humanap ng kompyuter syap sa kasagsagan ng umaga. Himala kung may makikita kaming bukas na syap ng ganitong oras. Hanap. Hanap. May bukas kaya sa palengke? Ayun, nakasulat "XEROX, PRINT.", malamang may kompyuter doon. Hindi na kami nagpatumpik-tumpik pa, kaagad naming pinuntahan ang nakitang sayn board. Salamat sa Diyos at bukas ang syap na iyon. Hinanap namin sa e-mail niya yung sampol ng information sheet. Hindi pa namin makita, ang dami kasing laman ng e-mail niya. Hindi nagtagal, nagpakita din ang hinahanap, nakapagprodyus kami ng kopya at pumunta nadin sa wakas sa paggaganapan ng Youth Camp.
Luyos, Tanauan ang nasabing lugar. Malayo- layo din ang byahe kaya mahaba- haba din ang aming naging kwentuhan. Pagkarating ko sa lugar, nakagugulat na sitwasyon ang bumulagta sa akin. Hindi ko inaasahan ang posibleng edad ng mga dadalo. Ako pala ang pinakamatanda. Nakakahiya. Tahimik na lang ako sa isang sulok at walang makausap, nang biglang may dumating. Si Bianca, matangkad, tahimik at kaedad ko din.
Saglit na katahimikan ang iniukol ko sa aking sarili, napag-isip isip ko na sobrang dakila talaga ng Panginoon, hindi niya ako hinayaang magmukang ewan sa nasabing camp. Binigyan niya ako ng makakausap.
Unang bahagi ng camp ay ang pagpapakilala, ako po si ano, ako po si... Unti-unti ng nagbabago ang nararamdaman ko, nagagalak na ang aking puso sa mga nangyayari, napapalapit na ako sa bawat partisipante. Maraming palaro ang naganap. Mga palarong sadya ngang nakapapawi ng antok, nakatatanggal ng pagkabagot.
Pinakalayunin ng camp na ito ay ang ilapit kami sa Panginoon. Hindi ko alam kung paano pero bigla ko na lang natagpuan ang sarili ko na nakaupo sa silya at nakikinig sa ispiker. Para bang may bumubulong sa akin na maging kampante lang ako at tanggalin ang mga alalahanin. Sa bawat paksa ng usapan, nararamdaman ko siya. Tila ba kausap ko ang Diyos ng harap-harapan. Naiiyak ako sa mga pagkakataong ipinipikit ko ang aking mata at tahimik na kinakausap ang Diyos. Nadadala ako sa mga bagay na ipinamumulat sa amin ng ispiker. Totoo ngang andyan siya, kailangan lang natin siyang bigyan ng espasyo sa ating mga puso.
Balde- baldeng tubig ang aking nailuha at basang- basa naman ang manggas ng aking jaket. Nakakaiyak talaga pero, pagkatapos ng mga luha, unti-unting gumagaan ang aking pakiramdam. Unti-unti akong naliliwanagan sa mga bagay- bagay. Sa mga sandaling iyon, para bang ayaw ko ng imulat ang aking mga mata, ayaw ko ng umalis sa aking kinatatayuan. Masarap pala siyang kausap, madaming mga payo- mga magagandang payo. Pakiramdam ko naibuhos ko na lahat ng sakit na kinikimkim ko sa loob ng mahabang panahon. Ang saya- saya. Para bang nakita ko na ang daan, biglang lumiwanag.
At sa pagtatapos ng camp, doon ko nakilala ng lubos ang Panginoon. Nagulat ako ng bigla kong imulat ang aking mga mata. Naglipana ang mga magulang, pasikreto pala nilang inimbita ang mga magulang pero dahil malayo yung mga magulang ko at hindi nila alam kung papaano kokontakin ay hindi sila nakadalo. Lalo na akong napahagulhol dahil si kuya Jake ang nagpanggap na tatay ko. Nagkaroon tuloy ako ng pangalawang ama. Kahit wala ang mga magulang ko, hindi ko naramdaman ang pag-iisa. Napunan ni kuya Jake ang pagmamahal na hinahanap ko sa aking mga magulang.
Nakalabas ako ng Luyos ng may baun- baong mga alaala at umuwi ako ng may pagbabago sa aking pagkatao. Ang takot na aking nadarama noong simula ay tuluyan ng ngang napawi. Isang hindi malilimutang paglalakbay ang aking naranasan, ang tanging hiling ko na lang ay ang maulit muli ang pagkakataong ito.
[assignment ko ito]
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento