Hindi ko mawari kung bakit ba napakabigat ng pakiramdam ko ngayong araw na ito. Hindi ko alam kung paano ako kikilos. Hindi ko alam kung anong mabuti kong gawin. Hindi ako mapakali.
Hindi normal ang araw na ito para sa akin, markang-marka sa aking kalendaryo- Ika-tatlumpo ng Hulyo taong dalawang libo at labing isa, ganap na alas dose ng tanghali. Ang bigat. Ang saklap. May kung anong dilim ang bumulagta sa akin. Hindi ko na matukoy ang katotohanan sa pantasya. Tulala ako. Hindi umiibo. Pigil ang hininga. Pikit ang mga mata. Madilim, madilim talaga ang paligid. Parang nasa ibang mundo ako.
Katatapos lamang naming mananghalian ng aking mga kabarkada sa isang suking karinderya. Ang sasarap ng mga ulam na aming pinagpipilian- may lechong paksiw, adobo, afritada, chicken carrie, bicol express, sisig at tinola. Wooh! swabe ang tanghalian namin. Nakakainis lang talaga na may kakambal na hirap ang sarap. Hindi talaga madali ang buhay. Hindi. Hindi. Minsan, susubukan ang tibay mo. Darating ang problema kung kailan hindi ka handa.
Masaya na sana ang barkada: tawanan, kulitan, halakhakan nang biglang, "Mae! bakit ka tulala? Anong problema mo?". "Hndi. Hindi ko na kaya! wew." Namumutla na ako ng mga sandaling yaon. Hindi makakilos. Hindi makaimik. "Samahan niyo ako."- sambit ko habang nanggigilid na ang luha sa aking mga mata. Malaking problema ang aking dinadala at hindi ko ito mailabas, masyado kasing komplikado. Hindi ako handa. Hindi ko alam ang gagawin. Saan ako pupunta ngayon? "Tara na! tara na prend. Samahan ka na namin. Ilabas mo yang mabigat mong dalahin."- agad naman nilang sagot sa akin.
Napakabaet talaga ng aking mga kaibigan, wala na akong mahihiling pa. Pero, balik tayo sa kwento. Nagpunta kaming lahat sa bagong destinasyon. "Hintayin niyo ko ha? May tumatawag lang." Pagkatapos kong sambitin ang pahayag na ito ay pumasok na ako sa isang maliit na silid. Gaya ng ibang silid, may pinto ito, may ilaw, may... Abugsshhh. blooookkk. "Solong-solo ko ang silid na ito. Walang dudang masasagot ko ang tawag na ito." Pumostura na agad ako sa isang upuan. Tahimik na nagmumuni-muni. Hindi kagandahan ang amoy dito. Kulong ang lugar. Blooookkk. Ayan, tumatawag na naman! Ang kulit. Masakit at masaklap para sa akin ang mensahe ng tawag na ito. Nakakapanglambot. Nakapipigil-hininga. Nakapamimikit-mata. Nakapaninindig-balahibo.
Unti-unti akong dinadala ng oras sa kung saan-saang dimensyon. May nakikita na ako ngayong kayumangging kulay. May karagatan din. May mga dahon, dahon ng sili. Maalingasaw ang amoy, pero natitiis pa.May naririnig akong paghimig ng isang babaeng tila lubos na naghihirap. Naramdaman ko ang sakit. Alin na nga ba sa mga nakikita at naririrnig ko ang totoo?.
Matapos ang ilang minutong pagtugon sa tawag, bumalik sa wisyo ang tila naligaw kong isipan." Kailangan ko ng burahin ang alaala ko sa silid na ito. Hindi kasi maganda." Kasabay ng paglagaslas ng tubig, naglaho ang mga imaheng aking nakita kanina. Napawi ang sakit na aking naramdaman. Naglaho ang masangsang na amoy. Natapos na ang tawag...Tawag ng kalikasan.
Maligaya kong nilisan ang lugar at tinahak ang daan pabalik sa aking mga kabarkada. Hinintay nga nila ako. Hindi nila ako iniwan. "Salamat sa inyo. Sinamahan niyo ako sa paghihirap at dinamayan sa masaklap kong karanasan. Kayo ang kaibigan kong tunay. "
"Drama mo naman Mae. Ang kaibigan, natural ng nagtutulungan. Huwag kang mahihiyang magsabi ng problema. Nandito lang kaming lahat. Sa hirap at ginhawa."- sagot ni Laura.
"haha! madrama ka din pala e."
"oo nga ano?."
hahaha. Nabalot na ng kasiyahan ang paligid at tuluyan ng nabura ang masaklap na karansang nagpatigil sa aking hininga at nagpatindig sa aking balahibo. NAKAKATAKOT. NAKAKAHIYA. Namangha ako sa tatag ng aking loob, nalampasan ko ang problema kahit hindi ako handa.
--takda sa PAHAYAG. :))
