Para sa mga minamahal kong magulang.
Para sa mga naliligaw ng landas.
Para sa mga hindi pa nababatid ang kahulugan ng buhay.
i
BUHAY SA KAMATAYAN
Sa panulat ni: Jem Irise D. Rea
“Sapagkat pagmamahal lamang ang tanging bagay na hindi nabibili ng pera”
© copy right, 2011.
ii
BUHAY SA KAMATAYAN
“Papaano kung minsang mamulat ka na lamang na nag-iisa, ano ang gagawin mo? Sisigaw ka ba? Tataghoy? Magdadalamhati?”
Ito ang kwentong nararapat sa’yo.
iii
BUHAY SA KAMATAYAN 1
Sa isang hapag-kainan ay nagtatalo ang isang pamilya. Isang pamilyang wala ng kahit ano pang hahanapin sapagkat ang karangyaan ay talaga namang sa kanila ay bumubungad. Lahat ng bagay, mula sa salapi, magagarang sasakyan, magandang bahay, at maunlad na negosyo ay nasa kamay na nila. Ano pa ba ang hahanapin? Oo. Napapansin mo ba ang kulang? Salat sila sa tunay na yaman ng buhay, ang tanging bagay na hindi nabibili ng pera- pag-ibig sa isa’t isa.
“Maureen, ano ang nangyayari sa’yo at lahat ng grado mo ay palakol? Marahil dapat mo ng layuan yang boyprend mong masama ang naidudulot sa’yo.”
“Ma, huwag na huwag niyong isasali sa usapan si Raymond. Wala siyang kinalaman dito. Talaga lamang na napakahirap ng mga aralin namin sa eskwela at masyado akong pinepersonal ng aking mga guro.”
“Pinepersonal? Nagdadahilan ka pa! Ewan ko nga ba kung bakit kabukod-tangi ka sa pamilyang ganyan. Papaano kita ipagmamalaki sa mga kaibigan ko sa negosyo kung sa paaralan pa lang e mangmang ka na at hungkag yang isipan mo.”
“Ganyan naman kayo ma e, kahit kailan naman talaga hindi niyo ako ipinagmalaki. Lagi namang si kuya ang magaling sa mata niyo e. Siya lang! Siya lang! Papaano naman kami ni Gave na mga anak niyo rin?”
“Maureen, tama na! Huwag mong binabastos ang mama mo.”, sambit ng kanyang ama kasabay ng paglapat ng mga kamay nito sa kanyang mga mukha.
“Ganyan naman kayo! Kinamumuhian ko kayo. Sana mamatay na kayo!”
BUHAY SA KAMATAYAN 2
Tumayo na si Maureen sa pagkakaupo at hinayaan na ngang ang pagkain niya ay nakatiwangwang. Unti-unti ay tinahak niya ang
landas papunta sa kanyang silid. Binuksan ang pinto nito, isinarado ng pagalit hanggang sa lumagabang ang pintuan.
“Dear Diary, 09-30-11
Alam mo ba ang pakiramdam ng wala kang kakampi? Yung pakiramdam na parang hindi ka anak ng mga magulang mo? ANG SAKIT SAKIT NOON! Ito namang si kuya, siya na lang lagi! Siya na nga ang magaling. Sana hindi na lang ako ipinanganak o kaya naman ay maglaho na silang lahat sa aking paningin. Kailan kaya ako makakaalis sa bangungot na ito? Rep. asap.
Nagmamahal,
Maureen”
Binitawan niya ang diary at binuksan ang radio sa saliw ng klasikal na musika.
“Ma, pa, kuya, Gave!” hiyaw ni Maureen nang matagpuan ang katawan ng kanyang pamilya na naliligo sa sarili nilang mga dugo.
“Ma! Pa! Sino? Sino ang maaaring gumawa nito sa inyo? Tulong!” pamuli pa niyang hiyaw ngunit, walang nakakarinig sa kanya sapagkat nasa bakasyunan ang mga kasambahay at ang bahay nila ay namumukod-tangi lamang sa lugar na iyon.
BUHAY SA KAMATAYAN 3
Luha ang sa kanyang mga mata ay umagos habang tangan- tangan sa kanyang mga bisig ang labi ng mga kapamilya. Natagpuan niya ang isang punyal at ang bahid ng dugo sa kanyang kamay.
“Hindi! Hindi maaari ito! Hindi pwede. Pinatay ko sila?”
Unti-unti niyang naramdaman ang pag-iisa. Malungkot. Nakagigimbal. Pagsisisi. Doon niya napagtantong pamilya lamang niya ang kanyang makakaramay sa hirap at ginhawa ngunit ngayon ay wala na sila ng dahil sa kanya. Wala na nga at tuluyan ng maglalaho sa kanyang paningin.
Napatalikwas na lamang sa kama si Maureen ngunit ang tubig ay patuloy pa rin ang pagdaloy sa kanyang mabilog na mga pisngi. Hindi niya namalayang nakatulog na pala siya dahil sa musikang lumalabas sa radyo na tila isang lira sa kanyang pandinig.
“Isang bangungot. Hindi ko makakayanan kung ang pangyayaring iyon ay isang katotohanan. Ang pamilya ko lamang ang tanging magmamahal sa akin ng higit pa sa pagmamahal ni Raymond. Sila lamang ang aking karamay. Hindi ko dapat sila inaway kanina. Tama si mama, hungkag nga ang aking isipan para isiping hindi nila ako mahal. Nasasabi lamang nila ang masasakit na salita dahil marapat ko lang yun marinig para magising ako sa katotohanan. Ang bangungot na ito ay ang katotohanang sa mukha ko ay sumampal. Mali ako at kahit kailan hindi ko dapat hilingin ang kanilang kamatayan.”
Binuksan ni Maureen ang pintuan at lumabas upang hanapin ang mga kapatid at magulang. Nandoon sila sa hapag-kainan at hinihintay ang kanyang pagbabalik.
BUHAY SA KAMATAYAN 4
“Maureen, anak ko. Patawarin mo kami ng papa mo sa mga masasakit na salitang aming nabitawan. Hindi namin sinasadya. Hindi namin gustong saktan ka. Pat…”
“Ma, pa, kuya, Gave. Patawad. Ako dapat ang magsabi niyan. Masyado akong nagpadala sa aking emosyon, naging maramdamin. Ma, pa, hindi na po mauulit. Mahal na mahal ko po kayo at hindi totoo na gusto ko kayong mamatay dahil hindi ko po kakayaning mawala kayo sa akin. Kayo na pamilya ko, ang pinakakayamanan ko at ang pagmamahal natin sa isa’t isa ay higit pa sa kahit anong kayamanan dito sa mundo.”
“Ate, mahal ka din namin.” sambit ni Gave sabay yapos sa kapatid na si Maureen.
“Maureen, kahit kalian huwag mong iisipin na mas magaling ako sa iyo. Maaaring sa ibang bagay ngunit ngayon mas napatunayan mo ang pagiging totoong tao bilang mabuting anak at kapatid sa aming lahat. Mahal ka namin.”
At namayani nga ang pag-ibig sa buong paligid. Napuno ng kasiyahan at napawi ang pait na dulot ng maraming hindi pagkakaintindihan.
Ang bawat araw na noon ay pag-aaway ay napalitan ng masasayang sandali kapiling ang isa’t isa.
At ang nakasulat sa diary ang siyang patuloy na nagpapaalala sa kanya na hindi na dapat balikan pa ang dating Maureen. Sa tuwing makikita niya ito ay natatawa na lamang siya sa kanyang sarili at napapasabing “Engot ko lang! Drama e.”
BUHAY SA KAMATAYAN 5
Natanaw niya ang kahulugan ng buhay sa pagkakasaksi sa masaklap na kamatayan, nakita niya ang liwanag sa gitna ng kadiliman ng isipan. Kasabay ng pagkamatay ng masamang mithiin ay ang pag-usbong ng nag-aalab o nagliliyab na pagpapahalaga sa pamilya- ANG BUHAY.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento