Linggo, Agosto 7, 2011

Wag Kang Aayaw! Think POSITIVE.

          Pasado alas dose na ng madaling araw, maya-maya pa ay sisilip na ang araw. Heto ako, gising pa din at waring hindi pa bibisitahin ng antok. Patuloy sa pag-aaral, kumokopya ng mga leksyon namin nitong mga nagdaang araw. Sulat. Basa. Sulat. Basa. Paulit-ulit na proseso. Ako na lang ang gising dito sa bahay, talaga namang nakabibingi ang katahimikan. Binabasag ko na lang ito sa paraan ng pakikinig ng mga kantang pang-YFC sa youtube.com. Hindi ko na napapansing mabilis na lumipas ang oras. Naaliw ako sa mga awitin, nakakaligtaan ko ang pagod sa pag-aaral at pagsusulat. Ayos ito! Natapos ko na ang PSYCSTAT, CHEMISTRY naman maya-maya ay COMART- mga kursong pinipilit kong magustuhan, pinipilit kong unawain at mahalin.Sana mahalin din nila ako.
           Mahirap ang buhay kolehiyala. Sa totoo lang wala naman talagang madali sa buhay e kaya tiyaga talaga ang kailangan. Buong-buo ang loob kong makakabawi pa ako. Makakatayo sa aking pagkakadapa. Makakabangon sa malaking dagasa. Aral. Aral. Walang humpay sa pagbabasa at pagsusulat.
          Talaga ngang nakapagbabago ang kabiguan. Maaring makasira ng buhay, maari din namang makabuo ng pangarap. Kabiguan ay parte ng tagumpay para sa akin. Isang pagsubok na nagtuturo ng moral na kaalaman. Pagsubok na bumubuo sa pagkatao. Hagdan para sa kaunlarang-pansarili. Boses na babasag sa katahimikan nitong musmos nating mga isipan.
          Bakit ko ba nasasabi ang mga ito? Ano ang nagtulak sa akin para bitawan ang mga salitang ito?
          Nalaman ko at naramdaman ang pait na dulot ng kabiguan. Naranasan ko rin ang madapa, madaming beses na. Paulit-ulit. Bumabangon padin ako at hindi sumusuko sapagkat naniniwala akong maghihilom din ang mga sugat na aking natamo mula sa pagkakadapa, mawawala pa ang peklat sa pamamagitan ng mga ointment. Ano bang nais kong sabihin dito? Simple. Lahat ng problema ay may solusyon. Walang problemang hindi kayang lampasan at hindi lahat ng tagumpay ay makukuha ng puro sarap, kadalasang sa kabiguan sumisibol ang pinakamatamis na tagumpay.
          Naaalala ko ang paksang pinagtalunan namin ng isa sa mga paborito kong guro sa FAITH. "Kapag hindi ko nasagot ang tanong na ito, hindi niyo na rin sasagutan ito. " sabi nya. Agad ko namang tinutulan ang kanyang winika. "Hindi rin sir. Depende sa tao yan sir. Kung gusto niyang malaman ang sagot, patuloy yang maghahanap ng paraan. Hindi siya titigil hanggat makuha ito." Tutol ako kay sir dahil parang sinabi na din niya na kapag nabigo ang tao, dapat ngang tumigil na ito at isadlak na lamang ang sarili sa kalungkutan at pagkadismaya dahil wala ng pag-asa- ngunit MALI ito. Kung gusto nating makamit ang tagumpay, wag tayong tumigil sa paghahanap ng paraan. Wag tayong patatalo sa kabiguan. Gaya nga ng sinabi ng isa sa mga kaYFC ko sa sa kanyang mensahe para sa akin "Hindi dahil nadapa ka ay isasadlak mo ang sarili mo sa kalungkutan, bagkus gawin mo itong silya para maabot at mapaltan ang napunding ilaw." Tunay ngang hindi dapat tayo mawalan ng pag-asa. Dapat lang na magpatuloy at ituring na inspirasyon ang kabiguan. Ituring na malaking bagay na makapagtutulak sa atin para magpursigi, para patuloy na maghanap ng sagot. Para makita pang muli ang liwanag.
         Hindi ako susuko, makakabawi pa. Prelims pa lang naman e. Hindi niya ako pababayaan, mahal ako ng Panginoon at naniniwala ako sa kanya. Naniniwala akong may ilalabas pa ako. May maipapakita pa ako. May mapapatunayan pa. Hindi pa tapos ang laban, nagsisimula pa lang.
        Patuloy kong panghahawakan ang paboritong kataga ng aking ama "the road ahead of you is better great. Wag kang matakot sa isang subject, dapat ito ang matakot sayo dahil pag-aaralan mo siya ng mabuti."
        Tibay ng loob + wagas na pagmamahal para sa gawain+ sipag+ tiyaga+ positibong pananaw= tagumpay 
         
           

2 komento:

  1. yeah! jem! ang sakit sa mata ng pagbabasa sa comp. but i tried to finish reading this post. nice one. :) tama. ganda rin nung kay kuya bangus. the best. panghahawakan ko rin yang formula mo para makamit ko ang pinakamimithi kong tagumpay! haha. :)

    TumugonBurahin
  2. :) thanks marian. nakakatouch talaga yung kay kuya ralp kaya nga naisama ko dito. ngek. Yung formula? gawa-gawa ko lang yun. haha. bakit ang aga mo nagising? 4:03 AM? reliable ba ang oras na yan?. ^^ Godbless

    TumugonBurahin