Kawayan To the RESCUE
Isang di-pangkaraniwang kaganapan ang tila bumuo sa di-pangkaraniwang araw naming magkakabarkada.
Taym ng P.E class noon at wala kaming praktikal eksam. Ginugol lamang ng buong klase ang oras na iyon sa paglalaro ng badminton. Gaya ng dati, walang pagbabago- kaming magkakabarkada ay hindi pa rin marunong maglaro nito.
Nahati ang buong klase sa iba't ibang grupo. May singles badminton at mayroon din namang doubles badminton.
Noong una, apat lamang kami sa grupo na naglalaro- ako, si Marian, si Hanna at si Janet habang ang dalawa pa naming kabarkada na sina Leslie at Lourdes ay naglalaro kasama ang iba pang grupo ng barkada. Malungkot ang takbo ng laro, tila ba walang lakas ang bawat isa sa amin. Ni hindi man lamang namin mabuo ang abakada sa pamamagitan ng palitang pagpalo sa shuttle cock o feather. Talaga namang napakatumal. Ang mga minutong lumilipas ay talaga namang hindi produktibo, walang kwenta, walang saysay.
Hanggang sa lumapit na sa amin sina Leslie at Lourdes, humihingi ng tulong upang mabawi ang shuttle cock nila na sumampit sa isa sa mga makukulay na telang nakalaylay sa kisame ng covered court. "Paano ba namin ito kukuhanin?" bulong ko sa aking sarili. Nakita ko ang isang mataba malapad mahabang kawayang nakalapag sa papag. Agad ko itong hinawakan, itinayo hanggang sa maramdaman na rin ng aking mga kabarkada na ito ang marapat naming gawin. "itayo natin ang kawayan, buhatin natin." sambit ni Leslie. Agad naman naming itinayo ito ngunit hindi epektibo, hindi lumalaglag ang shuttle cock sa pagkakasampit nito. Nakatingin ang lahat ng tao sa amin ngunit tuloy pa rin kami. Kailangan namin ng estratihiya. "Huwag niyong buhatin ang kawayan."- agad namang sabi ko. Ewan ko kung bakit kusang lumabas sa aking bibig na iyon ang mas makakabuti. "Tama. Wag nating buhatin. Ihilig lang natin ang kawayan saka natin ito itulak pataas." Sa kabutihang palad, medyo tumalab ang teknik na ito; pero, hindi namin matyempuhan na sabay-sabay naming itinutulak ang kawayan. "Weyt lang. Sabay-sabay nating itulak. 1, 2, 3 push" s'yang winika ko. Paulit-ulit naming ginawa ang pamamaraang ito. "1,2,3 push." Sa wakas ay unti-unti ng pumapatak ang shuttle cock. Ayan, konting tulak na lang. Parang slow motion na pumatak ang shuttle cock. Tagumpay ang mission. Epektibo ang team work ng barkada. Masarap sa pakiramdam ang malasap ang tagumpay lalo na ng grupong may mabuting pagtutulungan. Nayakap na lamang namin ang isa't isa at unti-unti, isa- isang tumambad ang ngiti sa aming mga mukha. Hirap ay dinanas sa pagbuhat sa kawayan ngunit ligaya naman ang nakamtan sa tagumpay na nakamit.
Inilapag namin ang kawayan sa sahig. Sumandali pa ay lumapit din sa amin ang kabilang grupo ng magkakabarkada. "uy, yung sa amin din. Pakuha."- wika ni Agot. Walang pag-aalinlangan ay itinayo naming muli ang kawayan. Inulit ang nahangong teknik sa pagkuha ng nasampit na shuttle cock. Sa ikalawang pagkakataon ay nagtagumpay kami. Inilapag naming muli ang kawayan at ibinalik ito sa lugar na pinagkuhanan. "salamat"- sambit ni Mamads "Walang anuman" sabay-sabay naman naming sagot.
Hindi naglaon ay sama-sama na kaming anim sa paglalaro ng badminton. Bago pa man namin umpisahan ang laro ay nakita namin sina Eya, Elaine, Antonette at Gellie na binubuhat din ang kawayan para naman kunin ang shuttle cock nilang napasampit din. Mukhang nahihirapan sila. "Tulungan natin sila. To the rescue tayo."- wika namin ni Hanna. Walang pagdadalawang-isip ang naganap. Inilapag namin ang mga battledore o paddle at agad na tinahak ang direksyon papunta kayna Elaine. "Tulungan na namin kayo"- Marian. Tinulutan naman nila kami at hindi naman kami nabigo pa sa ikatlong beses. "salamat"- wika nila.
Kay sarap sa tainga ang marinig namin ang matatamis nilang pasasalamat. Salamat sa Kawayan to the Rescue. Naging daan ito para makatulong kami sa iba at para magkaroon ng mabuting koneksyon sa isa't isa. Para bang nasa isang team building activity kami at pagkuha ng nasampit na shuttle cock ang task namin. Ang goal ng team building? Mapatibay ang ugnayan, mapagana ang kalikutan ng isipan, mapalawak ang pananaw sa aplikasyon ng mga bagay sa buhay, maging resourceful at maging madidiskarte.
Kakaiba ang araw na ito. Ang kaninang mga minutong nilalaan sa paggawa ng di produktibong bagay ay napalitan ng mga sandaling nakagawa kami ng kabutihan at naging malaking tulong sa iba.
team building ng candies. :))
TumugonBurahin