Martes, Agosto 23, 2011

BINGE SA KATOTOHANAN

Sa ilalim ng araw,
sa hustisya'y uhaw
liwanag ay di matanaw
yaring wala ng ilaw.

Binge sa katotohanan
at waring nagugulumihanan
sa mga bagay na likas na makabuluhan.
Pag-asa'y saan na ngayon nananahan?

Di-mahulugang taktak
yaong lugar kung saan ako ngayo'y nakalagak.
Sa mga naririnig: puso'y nawawasak
at sa mukha'y walang galak.

Kabilang pa ba sa organisasyon?
o isa na sa mga dapat manghihingi ng donasyon?
donasyon ng awa para sa kasalukuyang posisyon.
Totoo ba ito o likha lang ng imahinasyon?

Paulit-ulit na nasasambit
yaong mga katotohanang kay pait
paulit-ulit din namang napapangibit;
bagsak ang balikat, paanong mababawi ang gradong nasabit?

Bingeng-binge sa katotohanan,
katotohanang s'yang agahan
problema'y idinadaan na lang sa tawanan,
ngunit araw-araw na ngang kinakabahan.

(sa loob-loob, sarili ko'y di na mapatahan.)                                                                                                                                                                                                                    

MAGULO

Hindi mawari ang damdamin.
Walang kahit anong sa mukha ko'y masasalamin.
Bigla-biglang emosyon ko'y nagpapalit, aking inaamin.
Masaya panandalian, malungkot nang daglian.

Mga ligaya'y napawi,
Napalitan ng dalamhati.
Nagkakagulo sa paligid;
magkakaaway kaibigang masusugid.

Tibok ng puso'y patigil-tigil,
Sama ng loob sa sarili'y kumikitil.
Mga emosyon, ibinubuhos na lang sa lapis at papel.
Hanggang ang luha sa pagpatak ay di na mapigil.

Paniwala ko'y hihinto din ang ulan sa pagbuhos.
Mga gusot ay maayos ding lubos.
Matatanaw din ang liwanag,
Sa laot ng kadilimang nakatitinag.

Sabado, Agosto 13, 2011

REGGAE

 Ang sarap lang talaga pakinggan ng mga reggae na awitin. Talaga namang mapapagroove ka sa sigla ng tunog. Nakapagdudulot ng ngiti kasi kahit yung mga malulungkot na mga kanta, lumalabas na masaya. Madaming hinto, oo pero the best talaga. I sooooo love the voice. Nakakabuhay ng dugo. Bagay na bagay na pambungad sa umaga para naman masigla agad ang simula ng araw. Magandang simula.
Minsan, subukan niyo ding makinig at madadala kayo sa ibang dimensyon. Namnamin niyo ang bawat hibla ng musika, at hayaang magulat ang sarili kung paano ang katawan ay kusang gumagalaw kasabay ng awitin.

Goodmorning. Ngiti ka lang at magrelax. 

Lunes, Agosto 8, 2011

KAKAYANIN LOVE

kakayanin kong magintay.
apat na taon lang naman di ba?
basta ba babalik ka e.
kakayanin ko,

kakayanin kong maghintay,
basta ba ako lang dyan e.
bawal ang iba ha?
mata lang walang latay ng aagaw sa posisyon ko dyan.

kakayanin kong maghintay.
mabilis lang namang lumipas ang araw di ba?
maya-maya pa'y may mga trabaho na tayo.
wag kang makakalimot ha?

kakayanin kong maghintay.
basta ba may hinihintay nga e.
kakayanin ko,
basta pangakong walang sisira sa kasunduan.

kakayanin kong maghintay.
basta ba para sayo a.
kakayanin ko.
kung ikaw lang din naman.



-aja! :

Linggo, Agosto 7, 2011

Wag Kang Aayaw! Think POSITIVE.

          Pasado alas dose na ng madaling araw, maya-maya pa ay sisilip na ang araw. Heto ako, gising pa din at waring hindi pa bibisitahin ng antok. Patuloy sa pag-aaral, kumokopya ng mga leksyon namin nitong mga nagdaang araw. Sulat. Basa. Sulat. Basa. Paulit-ulit na proseso. Ako na lang ang gising dito sa bahay, talaga namang nakabibingi ang katahimikan. Binabasag ko na lang ito sa paraan ng pakikinig ng mga kantang pang-YFC sa youtube.com. Hindi ko na napapansing mabilis na lumipas ang oras. Naaliw ako sa mga awitin, nakakaligtaan ko ang pagod sa pag-aaral at pagsusulat. Ayos ito! Natapos ko na ang PSYCSTAT, CHEMISTRY naman maya-maya ay COMART- mga kursong pinipilit kong magustuhan, pinipilit kong unawain at mahalin.Sana mahalin din nila ako.
           Mahirap ang buhay kolehiyala. Sa totoo lang wala naman talagang madali sa buhay e kaya tiyaga talaga ang kailangan. Buong-buo ang loob kong makakabawi pa ako. Makakatayo sa aking pagkakadapa. Makakabangon sa malaking dagasa. Aral. Aral. Walang humpay sa pagbabasa at pagsusulat.
          Talaga ngang nakapagbabago ang kabiguan. Maaring makasira ng buhay, maari din namang makabuo ng pangarap. Kabiguan ay parte ng tagumpay para sa akin. Isang pagsubok na nagtuturo ng moral na kaalaman. Pagsubok na bumubuo sa pagkatao. Hagdan para sa kaunlarang-pansarili. Boses na babasag sa katahimikan nitong musmos nating mga isipan.
          Bakit ko ba nasasabi ang mga ito? Ano ang nagtulak sa akin para bitawan ang mga salitang ito?
          Nalaman ko at naramdaman ang pait na dulot ng kabiguan. Naranasan ko rin ang madapa, madaming beses na. Paulit-ulit. Bumabangon padin ako at hindi sumusuko sapagkat naniniwala akong maghihilom din ang mga sugat na aking natamo mula sa pagkakadapa, mawawala pa ang peklat sa pamamagitan ng mga ointment. Ano bang nais kong sabihin dito? Simple. Lahat ng problema ay may solusyon. Walang problemang hindi kayang lampasan at hindi lahat ng tagumpay ay makukuha ng puro sarap, kadalasang sa kabiguan sumisibol ang pinakamatamis na tagumpay.
          Naaalala ko ang paksang pinagtalunan namin ng isa sa mga paborito kong guro sa FAITH. "Kapag hindi ko nasagot ang tanong na ito, hindi niyo na rin sasagutan ito. " sabi nya. Agad ko namang tinutulan ang kanyang winika. "Hindi rin sir. Depende sa tao yan sir. Kung gusto niyang malaman ang sagot, patuloy yang maghahanap ng paraan. Hindi siya titigil hanggat makuha ito." Tutol ako kay sir dahil parang sinabi na din niya na kapag nabigo ang tao, dapat ngang tumigil na ito at isadlak na lamang ang sarili sa kalungkutan at pagkadismaya dahil wala ng pag-asa- ngunit MALI ito. Kung gusto nating makamit ang tagumpay, wag tayong tumigil sa paghahanap ng paraan. Wag tayong patatalo sa kabiguan. Gaya nga ng sinabi ng isa sa mga kaYFC ko sa sa kanyang mensahe para sa akin "Hindi dahil nadapa ka ay isasadlak mo ang sarili mo sa kalungkutan, bagkus gawin mo itong silya para maabot at mapaltan ang napunding ilaw." Tunay ngang hindi dapat tayo mawalan ng pag-asa. Dapat lang na magpatuloy at ituring na inspirasyon ang kabiguan. Ituring na malaking bagay na makapagtutulak sa atin para magpursigi, para patuloy na maghanap ng sagot. Para makita pang muli ang liwanag.
         Hindi ako susuko, makakabawi pa. Prelims pa lang naman e. Hindi niya ako pababayaan, mahal ako ng Panginoon at naniniwala ako sa kanya. Naniniwala akong may ilalabas pa ako. May maipapakita pa ako. May mapapatunayan pa. Hindi pa tapos ang laban, nagsisimula pa lang.
        Patuloy kong panghahawakan ang paboritong kataga ng aking ama "the road ahead of you is better great. Wag kang matakot sa isang subject, dapat ito ang matakot sayo dahil pag-aaralan mo siya ng mabuti."
        Tibay ng loob + wagas na pagmamahal para sa gawain+ sipag+ tiyaga+ positibong pananaw= tagumpay 
         
           

Biyernes, Agosto 5, 2011

Alam mo ba?

Alam mo ba yung pakiramdam ng madapa?
Tipong sa tulong ng iba ay nangangapa.
Alam mo ba ang pakiramdam ng napag-iiwanan?
Tipong lahat ng bagay ay hindi magaan.

Alam mo ba ang pakiramdam ng inaapi?
Tipong hindi ka makasumbat, tila napipipi.
Alam mo ba ang pakiramdam ng isang galit na galit?
Ngunit ang magbulalas ng damdamin ay hindi pwedeng ipilit.

Alam mo ba ang pakiramdam ng bumabagsak?
Kasing sakit ng sampal, ang katotohanan sa mukha'y lumalagapak.
Alam mo ba ang pakiramdam ng isang kaawa-awa?
Talaga namang hindi mo mapapatawa.

Alam mo ba ang pakiramdam ng walang malapitan?
Nag-iisa sa oras ng kagipitan.
Alam mo ba ang pakiramdam ng pinagtatawanan?
Parang ikaw lang ang makasalanan.

Alam mo ba ang pakiramdam ng muntik-muntikan?
Tulad ng batang nakikipagsiksikan.
Alam mo ba ang pakiramdam ng napipilitan?
Sa pagkilos ay walang kalayaan.

Alam mo ba ang pakiramdam?
Ng taong nag-aasam.
Tipong tulad ng sa pagkain ay naiibig,
Walang pera kaya't nagtitiis sa isang tubig.

Alam mo ba?
Ramdam mo ba?
Na sa dibdib ko'y puno ng kaba.
Hindi! Sino nga ba sa inyo ang aba?













Martes, Agosto 2, 2011

Kawayan To the RESCUE

Isang di-pangkaraniwang kaganapan ang tila bumuo sa di-pangkaraniwang araw naming magkakabarkada.
Taym ng P.E class noon at wala kaming  praktikal eksam. Ginugol lamang ng buong klase ang oras na iyon sa paglalaro ng badminton. Gaya ng dati, walang pagbabago- kaming magkakabarkada ay hindi pa rin marunong maglaro nito.
Nahati ang buong klase sa iba't ibang grupo. May singles badminton at mayroon din namang doubles badminton.
Noong una, apat lamang kami sa grupo na naglalaro- ako, si Marian, si Hanna at si Janet habang ang dalawa pa naming kabarkada na sina Leslie at Lourdes ay naglalaro kasama ang iba pang grupo ng barkada. Malungkot ang takbo ng laro, tila ba walang lakas ang bawat isa sa amin. Ni hindi man lamang namin mabuo ang abakada sa pamamagitan ng palitang pagpalo sa shuttle cock o feather. Talaga namang napakatumal. Ang mga minutong lumilipas ay talaga namang hindi produktibo, walang kwenta, walang saysay.
Hanggang sa lumapit na sa amin sina Leslie at Lourdes, humihingi ng tulong upang mabawi ang shuttle cock nila na sumampit sa isa sa mga makukulay na telang nakalaylay sa kisame ng covered court. "Paano ba namin ito kukuhanin?" bulong ko sa aking sarili. Nakita ko ang isang mataba malapad mahabang kawayang nakalapag sa papag. Agad ko itong hinawakan, itinayo hanggang sa maramdaman na rin ng aking mga kabarkada na ito ang marapat naming gawin. "itayo natin ang kawayan, buhatin natin." sambit ni Leslie. Agad naman naming itinayo ito ngunit hindi epektibo, hindi lumalaglag ang shuttle cock sa pagkakasampit nito. Nakatingin ang lahat ng tao sa amin ngunit tuloy pa rin kami. Kailangan namin ng estratihiya. "Huwag niyong buhatin ang kawayan."- agad namang sabi ko. Ewan ko kung bakit kusang lumabas sa aking bibig na iyon ang mas makakabuti. "Tama. Wag nating buhatin. Ihilig lang natin ang kawayan saka natin ito itulak pataas." Sa kabutihang palad, medyo tumalab ang teknik na ito; pero, hindi namin matyempuhan na sabay-sabay naming itinutulak ang kawayan. "Weyt lang. Sabay-sabay nating itulak. 1, 2, 3 push" s'yang winika ko. Paulit-ulit naming ginawa ang pamamaraang ito. "1,2,3 push." Sa wakas ay unti-unti ng pumapatak ang shuttle cock. Ayan, konting tulak na lang. Parang slow motion na pumatak ang shuttle cock. Tagumpay ang mission. Epektibo ang team work ng barkada. Masarap sa pakiramdam ang malasap ang tagumpay lalo na ng grupong may mabuting pagtutulungan. Nayakap na lamang namin ang isa't isa at unti-unti, isa- isang tumambad ang ngiti sa aming mga mukha. Hirap ay dinanas sa pagbuhat sa kawayan ngunit ligaya naman ang nakamtan sa tagumpay na nakamit.
Inilapag namin ang kawayan sa sahig. Sumandali pa ay lumapit din sa amin ang kabilang grupo ng magkakabarkada. "uy, yung sa amin din. Pakuha."- wika ni Agot. Walang pag-aalinlangan ay itinayo naming muli ang kawayan. Inulit ang nahangong teknik sa pagkuha ng nasampit na shuttle cock. Sa ikalawang pagkakataon ay nagtagumpay kami. Inilapag naming muli ang kawayan at ibinalik ito sa lugar na pinagkuhanan. "salamat"- sambit ni Mamads "Walang anuman" sabay-sabay naman naming sagot.
Hindi naglaon ay sama-sama na kaming anim sa paglalaro ng badminton. Bago pa man namin umpisahan ang laro ay nakita namin sina Eya, Elaine, Antonette at Gellie na binubuhat din ang kawayan para naman kunin ang shuttle cock nilang napasampit din. Mukhang nahihirapan sila. "Tulungan natin sila. To the rescue tayo."- wika namin ni Hanna. Walang pagdadalawang-isip ang naganap. Inilapag namin ang mga battledore o paddle at agad na tinahak ang direksyon papunta kayna Elaine. "Tulungan na namin kayo"- Marian. Tinulutan naman nila kami at hindi naman kami nabigo pa sa ikatlong beses. "salamat"- wika nila.
Kay sarap sa tainga ang marinig namin ang matatamis nilang pasasalamat. Salamat sa Kawayan to the Rescue. Naging daan ito para makatulong kami sa iba at para magkaroon ng mabuting koneksyon sa isa't isa. Para bang nasa isang team building activity kami at pagkuha ng nasampit na shuttle cock ang task namin. Ang goal ng team building? Mapatibay ang ugnayan, mapagana ang kalikutan ng isipan, mapalawak ang pananaw sa aplikasyon ng mga bagay sa buhay, maging resourceful at maging madidiskarte.
Kakaiba ang araw na ito. Ang kaninang mga minutong nilalaan sa paggawa ng di produktibong bagay ay napalitan ng mga sandaling nakagawa kami ng kabutihan at naging malaking tulong sa iba.